Wednesday, January 2, 2013

Best Friends (1)

Ang storyang ito ay mula sa isang GEB Follower. Isang kwento ng totoong karanasan sa buhay ng mga tulad natin.
A story of Life, Love and Friendship...


Ako si Adan, simpleng tao na may pangarap na umasenso at magkaroon ng tahimik na buhay. Bagama't kutis at kulay Pilipino, may kakaiba sa hitsura ko, nagmana raw kasi ako sa tatay ko. Anak ako ng isang babaeng naging biktima rin ng malupit na mundo, isang bangkero at mangingisda ang asawa ng nanay ko. Pero may mga naging pangyayari sa buhay nilang mag-asawa na di inaasahan at ako ang naging bunga. 

Ang sabi-sabi at kwento ng mga makakating dila sa bayan namin, naging kalaguyo raw ng nanay ko ang isang mayamang kastila at iyon ang aking ama. Pero sa paglilinaw ko ng istorya nang ako'y nagkaka-isip na, nalaman kong mas masaklap pa pala doon ang tunay na nangyari, halos  may tatlong dekada na ang nakalipas. 

Namasukan si nanay sa isang mayaman sa aming bayan, may lahi raw kastila ang mga iyon. Nang umuwi ang anak na lalaki ng kaniyang amo mula sa ibang bansa para magbakasyon dito ay nagpahatid sila sa isang isla kasama ng asawa ng nanay ko bilang bangkero. Doon ay nagkasiyahan ang mga bisita ng lalaki at ang lahat ay imbitadong makisalo sa pagkain at inuman. Nang magkalasingan ay doon na naganap ang pangyayaring di inaasahan, ginahasa ng lalaki ang nanay habang ang lahat ay lango sa alak kaya walang naka-alam. 

Nang isilang na niya ako ay nakahanda na rin pala ang tatay kong iwan kami, alam pala niya ang nangyari sa isla at hinayaan niyang magsawalang kibo dahil sa suhol. Kasabay ng kapanganakan ko ay ang araw din ng pag-alis ni tatay sa amin. Para bang hinintay lang daw na maisilang ako at ng makumpirmang anak nga ko ng ibang lalaki ay iniwan na niya kami. Siguro sanggol pa lang ako ay kitang kita na ang aking kaibahan, matangos ang ilong at kulot ang buhok na kulay brown. Kaya't lumaki akong laging usap-usapan sa amin, kesyo anak ako ng kung sino, malandi raw ang ina ko kaya kami iniwan at nilayasan ng tatay ko. 

Halos isumpa ko ang hitsura ko noon, ibang-iba kasi ako sa mga kababata at kalaro ko kaya lagi rin akong napapa-away dahil sa tuksuhan. Pero ang di ko alam, itong kakaibang hitsura palang ito ay maidudulot rin sa aking mabuti. 

Nasa pitong taong gulang yata ako ng nagpasyang umalis ni nanay sa probinsya at mangibang bayan. At doon medyo nag-iba at nagbago ang aking pananaw sa buhay. Sa nilipatan naming lugar ay walang naka-alam ng nangyari kay nanay at walang nanunukso sa akin. Ang alam nila, patay na ang tatay ko. 

Naging maayos naman ang takbo ng buhay namin hanggang sa makatungtong ako ng high school, nagkaroon din ako ng mga kaibigan at maituturing na best friend, si Rolly. Magkapitbahay kami at naging magkaibigan din ang aming mga magulang. Halos ituring ko na ring tatay ang kanyang ama. Sa kasamaang palad, maagang naulila si Rolly, hindi na nga siya nakatapos ng high school dahil sa maagang pagkawala ng kanyang mga magulang. Inampon namin siya pero siya na rin ang nagpasyang umalis, nagpa-alam naman siya ng maayos sa amin dahil gusto raw niyang matutong tumayo sa sariling paa at kumayod ng para sa kanya kaya nagpasya itong makipag sapalaran sa Maynila. 

Nuong una ay nagsusulatan pa kami ni Rolly hanggang sa huli ay hindi na niya nagawang sumagot pa. Lumipas ang ilang taon at tuluyan na kaming nawalan ng contact sa isa't-isa. Pinilit akong igapang ni nanay sa pag-aaral kahit patigil-tigil at tinutulungan ko rin siya at naging working student rin ako. Hindi ko alam kung anung sumpa ang meron sa amin at ng nasa second year college pa lang ako ay iniwan na rin ako ni nanay, nabundol siya ng trak at agad na binawian ng buhay. Hindi ko alam ang gagawin ko nung mga panahong iyon, litung-lito ako. Buong buhay ko siya ang naging kasama at karamay ko pero sa isang bigla na lang siyang nawala. 

Sinubukan kong sulatan si Rolly tungkol sa kalagayan ko at sa nangyari kay nanay. Pero sa di niya pagsagot, inisip kong baka nag-iba na siya ng address. Sa panahon noon, di pa uso ang cellphone at kahit papaano, maaasahan pa rin naman ang tradisyonal na pag-sulat, medyo matagal nga lang at mabagal. Halos ilang buwan rin bago ako tuluyang nakabangon pero dumating na naman ang isa pang problema. Ibinenta ng mangyari ng lupa ang inuupahan naming bahay kaya napilitan kaming umalis. Isa ng commercial area ngayon ang lugar na aking kinalakihan. 

Napilitan akong makipagsapalaran sa Maynila, sumakay ako ng bus na di ko alam kung saan ako pupunta. Kahit paano ay listo naman ako kaya wala namang nangyari sa akin pagbaba ko ng bus. (Di tulad nung sa mga pelikula na nananakawan ng gamit at nadudukutan ng pera, di naman ako ganun ka-mangmang.) 

May naipon din naman ako kahit maliit na halaga at nakahanap ako ng matutuluyang lugar kahit maliit na kwarto lang at nag bedspace sa isang halos pwede nang tawaging squatters area. Nalakad ko yata ang buong kamaynilaan noon sa paghahanap ng trabaho, ilang araw at gabi rin akong nagbakasakali at sa awa naman ng Diyos ay natanggap rin ako. Sa isang di kilalang fast food chain ako natanggap, dahil siguro sa tindig at mukha ko at kahit kulang-kulang pa ang requirements, natanggap pa rin ako. 

Pursigido akong nagbanat ng buto para makaipon at makabalik sa pag-aaral. Malapit na sana ang enrollment noon ng masunugan sa lugar na tinutuluyan ko at naging abo lahat ng mga gamit ko. Bagamat nasa bangko naman ang pera ko, ipinagpaliban ko na lang muna ang planong bumalik sa pag-aaral. Iyon ang naipangako ko sa nasira kong ina, magtatapos ako at aasenso at di ko hahayaang tapakan at maliitin ako ng kahit na sino. 

Mabait pa rin naman sa akin si God dahil isang araw ay may customer sa fast food na pamilyar sa akin ang mukha bagamat di ako sigurado kong kilala ko nga. Pagkakataon rin ang nag-udyok na magkaharap kami at magkakilanlan. Makalipas ang ilang taon ng di pagkikita ay sa wakas muli kong nakaharap ang kababata at bestfriend kong si Rolly. Ibang-iba na ang porma niya kaya halos di ko na makilala pero dahil sa pinagsamahan namin, binalikan niya ako sa napagkasunduan naming lugar para makapag kwentuhan at balitaan (dahil di kami pwedeng makipagkwentuhan sa trabaho). 

Matapos ang mahabang kwentuhan ay nalaman kong natatanggap pala niya ang mga sulat ko at nalaman rin niya ang nangyari sa inay. Umuwi pala siya sa probinsiya para puntahan ako pero di na kami nagpang-abot doon. Nang gabing iyon ay inalok ako ni Rolly na sumama sa kanya at doon sa inuupahan niyang lugar tumira. Di na ako nagdalawang isip pa dahil wala pa akong permanenteng tirahan noon, nakikitulog lang ako sa mga katrabaho ko dahil wala pa akong nalilipatang paupahan. 

Maliit lang rin ang tirahan ni Rolly pero kahit ganon, masaya kami sa araw-araw. Nagiging masungit lamang siya kapag inuusisa ko kung ano ang trabaho niya. Pero bukod don, asikasong-asikaso ako ni bestfriend. Kahit malimit ay halos umaga na siya kung umuwi, pag gising ko ay may nakahain ng almusal at pati marumi kong damit ay nakikita ko na lang na nakasampay na. Hindi rin niya ako siningil sa upa o kahit sa pambayad ng tubig at ilaw. Kahit sa maliit na kwarto lang kami nakatira, parang hindi nauubusan ng pang gastos si Rolly. 

"Anu ba talaga ang trabaho mo tol? Baka pwede mo naman ako ipasok dyan?" pangungulit ko sa kanya.

Kundi sisimangot ay medyo pabalang na sasagot si Rolly sa tuwing mang-uusisa ako. Pero kahit ilang beses ko siyang kulitin at nagalit o nainis siya sa akin, hindi pa rin niya sinabi ang totoong raket niya sa buhay. Hanggang sa dumating sa puntong napilitan na rin siya gawa ng pag-hamon ko:

"Di kaya holdapper ka o myembro ng sindikato? O drug pusher kaya? Lagi kang gabi kung umalis at umaga kung umuwi, may leather jacket ka pa at backpack. Aalis na lang siguro ako dito sa puder mo baka isang araw magulantang na lang ako, ayokong madamay sa gulo, Rolly" ang sabi ko sa kanya ng may halong pamama-alam.

Padabog na hinaltak ako ni Rolly at hinawakan sa kwelyo ng polo, "CallBoy ako, Adan! Call Boy!" ang sagot niya!

"Isa kong prostitute, nagbebenta ng katawan! Pok-pok! Lalaking Puta! O ayan alam mo na, masaya ka na?!"

Biglang-bigla ako sa mga binitiwang salita ni Rolly. Hindi ko alam kung maiinis ako o maaawa. Pinag-isipan ko pa siya na may masamang ginagawa. oo nga't  siguro hindi malinis ang trabaho niya pero sino nga ba ako para agad na humusga. Halos manlumo ako sa narinig na paliwanag ni Rolly. Kung naging maayos ang pagpunta ko sa Maynila, siya naman ay hindi. Nangyari sa kanya ang lahat ng di maganda sa unang pagtungtong niya sa siyudad.

Halos ilang araw din siyang natulog sa kalye, walang makain at walang anumang gamit. Kapit sa patalim ang ginawa niya para mabuhay at amarating ang anumang tinatamasa niyang ginhawa ng mga panahong iyon. Bagamat hindi tama o sa malinis na paraan, nanindigan na rin akong hindi na iwan ang matalik kong kaibigan. Nangako kami sa isa't-isa na magsusumikap at mas lalong pagbubutihin ang aming buhay.  At dahil don, naisantabi ko na naman ang pangarapkong bumalik sa pag-aaral. Gusto kong maisa-ayos ang buhay ni Rolly, gusto kong mag-iba siya ng landas pero sa pagpupumilit ko, di ko inakalang magdudulot ng panibagong hirap sa aking buhay. 

Sinubukan ni Rolly ang pagbabagong gusto ko, nag-apply siya sa pinapasukan kong trabaho at natanggap rin pero di rin nagtagal ay natanggal siya dahil naka-away niya ang isang customer at ng masermonan ay inaway niya pati ang manager. Dahilan para pati ako ay pag-initan na rin sa trabahao hanggang sa ako na rin ay  matanggal. Ilang araw lang naman akong nabakante at nakahanap din agad ng panibagong trabaho, waiter naman sa isang bar. Di nagtagal ay nagsara iyon at lumipat na lang ako sa katabi ring bar, pero ang kaibahan ay di iyon isang ordinaryong lugar para mag-inuman. May sing-along, may mga shows at karamihan ng customer ay lalaki at matatandang babae.

Binalaan ako ni Rolly na mag-ingat sa napasukan kong trabaho. Wala naman akong alam sa ganoon kaya kampante pa akong wala namang masamang mangyayari sa akin. Sa una'y nabigla ako kapag may mga lalaking nagsasayaw na halos kapirasong damit lang suot at asiwang-asiwa lalo kapag may mga nakikipag-usap sa aking lalaki at inaalam ang pangalan ko, kung saan ako nakatira at niyayaya pa akong lumabas. Di nagtagal ay nalaman ko rin ang kulay ng mundong napasok ko. Maraming mga nanghihipo at bilang waiter, ako na yata ang pinaka-pagod dahil halos karamihan ay ako gustong mag serve sa kanila ng kanilang mga order. 

Naging paborito ako ng mga ilang customers at hinihintay pa ako sa closing time para abutan ng mga regalo. Kasabay ng pagtanggap ay ang pagtanggi ko rin sa kanilang alok pero patuloy pa rin naman sila, hindi nagsasawa at pabalik- balik pa rin sa bar halos gabi-gabi. 

"Salamat dito ha, malaking tulong to sakin... kasi pag pera na tip ang binibigay, paghahatian pa namin yun lahat sa loob. Pero alam mo naman, hindi talaga ko pumapatol, hanggang ngiti lang ang kaya kong isukli dito" parang ganyan ang linya ko sa tuwing may customer na nag-aabang sa akin ay may ibibigay na regalo. Kilig naman sila pag ngumiti na ko, hahaplos ng konti sa balikat o sa kamay ko tapos ayos na. Noon ko nasimulang ma-aapreciate ang kaibahan ko na minsang kinainisan ko nung bata pa lang ako. 

5'11" ang height ko at dahil siguro sa maagang pagbabanat ng buto, maganda ang hubog ng katawan ko. Balikat at biceps pa lang ulam na, sabi nga nila. Matangos na ilong, mapupulang labi sa moreno at makinis na balat, brown & wavy hair, sa tindig ko kahit naka white polo at black pants ako, sino'ng mag-aaklang waiter lang ako. Kung makikita mo ako sa ganoong pustura, Iisipin mong aatend lang ako ng debut o ng formal party.

Mas pinupuntirya daw ako ng mga customer kaysa sa mga gumigiling na lalaki sa stage kapag may show. Dahil siguro nakikita na nila ang lahat lahat pero sa ako ay nananatiling balot na balot sa kanilang paningin. Paborito rin ako ng manager at mas malaki na ang naging parte ko sa tip gabi-gabi. Pero di talaga ako lubayan ng pagsubok sa buhay, kahit pakiramdam ko ay umaangat na ako kahit wala akong tinatapakang tao, siya namang dating ng sunod na dagok.

Naging mainitin ang ulo ni Rolly at lagi kong nadadatnang lango sa alak. May ilang ulit rin naming pinagtalunan ang mga inuuwi kong pagkain, gamit at regalo na bigay ng customers. Isang beses ay nauwi kami sa matinding pagtatalo.

"Bakit ka ba nagkakaganyan Rolly, di ba ang sabi natin aayusin natin ang buhay nating dalawa? Lagi kang lasing at kung anu-anu pa yang masasamang iniisip mo tungkol sa trabaho ko." ang sabi ko.

"Aayusin ang buhay? Hah!!! Ikaw nga tong nagsabi na tigilan ko na yung pagpuputa ko. Tapos ngayon dyan ka rin nauwi? Nakaka-ilang customers ka ba sa isang gabi ha? Hinay-hinay lang baka mapudpod iyan! " pabalang na sagot niya.

Napagbuhatan ko ng kamay si Rolly sa narinig kong pang-iinsulto niya sa akin. Pareho kaming nagulat sa naging reaksiyon ko pero di ko naman talaga gusto at sinadyang mangyari iyon.

"Pinilit ko Adan. Naghanap ako ng ibang mapapasukan pero anung napala ko, eto... wala! Palamunin mo! Dahil hindi ako katulad mo... matangkad, gwapo, matipuno, at higit sa lahat nakapag-aral ka. Eh ako, ni high school hindi ko natapos!!!" naiiyak na sagot ni Rolly sa akin.

Hindi naman pangit itong si Rolly, may mukha rin naman at katawan siyang ipagmamalaki pero mahina ang loob. Kung baga sa sundalo, susugod basta-basta. Tira lang ng tira. Naawa ako sa kaibigan ko, hindi ko naman naisip na sumbatan siya kahit minsan dahil parang kapatid na ang turing ko sa kanya. Hindi nga pumasok sa isip kong palamunin ko na siya ng mga panahong iyon.

"Nung ako yung wala, ikaw ang nagbigay. Hindi mo ko pinayabaan. Tayo na lang dalawa sa buhay Rolly, tayo lang ang magkaramay kaya tayo rin ang magtutulungan, wala dapat sumbatan" maamong sabi ko sa kanya.





(Itutuloy...)  



3 comments:

  1. IM CHINITO MAY DIMPLES MAPUTI NICE EYES LIPS TEETH 5 9 135 09204089906 FOR SER REL/SOP/SEB NO LNDLINE NO REPLY

    GALING NG TAPING FOR SERIOUS RELATION/SOP/SEB TEXT UR LNDLINE 09204089906 NO LANDLINE NO REPLY

    NEED KAUSAP SA LANDLINE AT YUNG MAGTETEXT NG LANDLINE 09204089906 FOR SER REL

    ReplyDelete